Basagin ang Bote ng Kaligayahan…

Ang pinakamaligayang pakiramdam sa mundo ay ang lubusan mong maunawaan na kahit kailan ay hindi mo mararanasan ang tunay na kaligayahan sa mundo. Labo ba? Utay utayin natin. Suriin natin ang mga tilad tilad na katotohanan patungkol sa kaligayahan at ang mga imbentong kasiyahan natin.

Ako si boy. May isang kaibigang nakapagsabi  sa akin noong kolehiyo na ang tunay na kalagayan ng mundo ay makikita tuwing sasapit ang gabing walang liwanag ng buwan. Madilim at malamig. Gaya raw ito ng tunay na kalagayan ng tao. Nagiisa sa malamig na kadiliman. Kaya nga raw may araw, buwan at iba pang mga bituin na nagbibigay ng liwanag. Sila ang mga kaibigan, kapamilya at mga taong nagbibigay ng tanglaw sa bawat pag-inog ng buhay natin sa kani-kaniyang orbit. Mga inspirasyon na nagbibigay ng dahilan para magpatuloy sa buhay. Kung wala sila, ang mga hiram na liwanag, marahil ay matagal na raw nating piniling magpakamatay.

Aanhin mo pa ang pera kung wala kang pinaglalaanan? Ang mga selfie at mga status mo kung wala namang magko-comment o magla-like? Ang kotse kung walang aangkas sa trip mo? Ang mga nabasa mong kaalaman kung wala kang kadiskusyon? Ang natapos mong basahin na nobela o short story kung wala ka namang kakwentuhan? Ang mga PM mo kung puro seen at walang reply? Kanino mo iaalay ang mga tula mong sinukat at tinugma? Ang mga friend requests kung hindi ka naman iko-confirm? Para saan pa nga ba ang buhay kung walang kapwa na paglalaanan at babahaginan?

Papasan pa’t ibabahagi rin talaga natin ang kapirasong buhay na ito sa kung kaninuman. Ito raw ang tunay na kaligayahan. Ang ibahagi ang buhay para sa ikauunlad ng kapwa. Ang magsilbing liwanag sa bawat mundong madilim at nanlalamig.

“Isa itong malaking bullshit!”

Tila pagkamot sa hadhad ang mga katagang ito sa isip ko. Paulit-ulit.

Wala akong sapat na batayan noon para tumuligsa kaya naman hindi ako nakasagot sa kanya. Mas pinili ko na lang na tumango gaya ng maraming tao na hindi kayang ipaliwanag ang sarili sa verbal na paraan. Natapos ang usapan namin na tila siya ang may katanggap tanggap na paniniwala. At dahil ugali ko na ang hindi magpatalo. Bago umuwi ay dumaan ako sa isang computer shop para mag-google ng mga impormasyon na magsisilbing anting-anting ko sa muli naming pag-uusap.

At sa isang pelikula ni Woody Allen sa Youtube ako nakakita ng pambala sa mga argumento niya. Love and Death ang title. Napakahusay ng mga linya. Pinag-isipan. Pilosopikal. At sa tuwing nakakapanood ako ng mga gaya nito. Animo’y aso akong nililibog na handang makipagkastahan kahit saan abutan. Nililibog ang bawat tumpok ng utak ko. Gusto ko ng makakadiskusyon para makaraos kahit paano.

Sabi ng isang babae sa pelikula:

to love is to suffer.

to avoid suffering one must not love…

but one suffers for not loving.

therefore to  love is to suffer, not to love is to suffer, to suffer is to suffer.

to be happy is to love, to be happy then is to suffer, but suffering makes one unhappy, 

therefore to be unhappy, one must love or love to suffer or suffer from too much happiness.”

 

At napagisip-isip ko. Hindi ba’t kaligayahan ang pangalawa sa pinaka immoral at unethical na bagay sa mundo, una ang pagibig?

Bakit kamo? Para makamit mo ang kaligayahan ay sukdulang kailangan mong tanggapin na handa kang mamatay para sa bagay na nagpapaligaya sayo. Bukod pa sa punto na ang kaligayahan pala na mayroon ka ay kathang-isip at imbento mo lang at ng lipunan mo batay sa nilikhang pangangailangan mo kuno.

Sampol. Altruism o paggawa ng kabutihan para sa ibang tao. Sukdulang isakripisyo ang sarili para sa kanila. Marami ang gumagawa nito ngunit lingid sa kaalaman nila ang kasamaang maidudulot nito. “The end of altruism is suicide”.

Sabi sa ethics class namin dati, ang morality daw ay dapat universal. Ibig sabihin ay para masabi na talagang makakabuti ito o ito talaga ang summum bonum ng buhay ay dapat totoo ito sa lahat ng pagkakataon. Isipin mo na lang kung ang lahat ng tao ay gagawin ang makakabuti para sa iba kahit isakripisyo ang sarili, hindi ba’t mauubos ang tao? Kahit magutom ka na huwag lang siya o sila. Mailigtas lang siya kahit mapahamak ka. Anlabo nun.

Sabihin na nating dakila ang buhay na puno ng sakripisyo. Ang buhay na iniaalay sa iba. Ngunit kailangan nating maintindihan na ang buhay na puno ng paghihirap at pasakit ay isang means at hindi end. Hindi buhay na puro sakripisyo ang pangarap natin. Mas gusto natin ang self-sustaining na buhay. Interdependent, kolektibo at hindi parasitikong relasyon. At ito ang pinaka-ideal na pamumuhay. Sa ganitong uri ng lipunan natin maaring makamit ang tunay na kaligayahan. Mga taong may sariling pagpapasya sa sirkulo ng lipunang mapagpasya.

Ngunit ang irony ng pagkamit sa kaligayahan ay kailangan mong mabuhay sa kalungkutan. Kailangan mong iwaksi ang mga kasiyahang niyari mula sa kasakiman ng kapitalismo at konsumerismo.

Kung alien pa rin ang dalawang mga salitang ito sa iyo, heto ang sampol: Wala namang batas ang kalikasan na kailangan makinis, maputi at presentable ka, pero dahil kailangang kumita ng mga nangapital sa kumpanyang may produktong pampaputi at pampakinis ay babaguhin nila ang kahulugan ng kagandahan. Babaluktutin hanggang makalikha ng bagong ‘needs’. At kapag magaapply ka na sa isang trabaho ay madalas mong makita ang requirement na ‘with pleasing personality’. At alam mo na ang ibig sabihin niyan.

Isa pang sampol. Napansin mo ba na ang mga commercial ng coke at iba pang softdrinks ay puro patungkol sa sikolohikal na pang-eenganyo. Kesyo share this with your family, friends and even strangers. Buksan daw ang happiness! Puta. Paano naging happiness ang pagkakaroon ng diabetes sa hinaharap at iba pang sakit na pwedeng idulot nito? Kasi nga, alam nilang hindi naman ito healthy kaya kailangan nilang iliko ang nilalaman ng mga ads nila.

Isa pa. Cellphone. Kung babalikan mo ang kasaysayan. Ito ay ginawa para sa mga businessman na magkakalayo at kailangan makapagusap ng agaran sa maikling panahon. Masyado kasing matagal kung snail mail o telegrama. Malaki ang ambag nito sa komunikasyon. Ngunit sa isang kapatagan o rural area, aanhin ng magsasaka, mangingisda, nagtitinda ng kakanin, mangangahoy o piyon ang cellphone? Wala. Hindi ito isang pangangailan sa trabaho at walang halaga sa pang araw-araw nilang buhay. Pero dahil cellphone na ang isa sa batayan ng social status, napipilitan tayong angkinin na ito ay ‘needs’ natin. Sikolohikal ang unang atake ng pagligaw sa tunay na tunguhin natin bilang tao.

Upang maranasan natin ang tunay na kaligayahan ay dapat nating maunawaan kung ano ba ang likas natin bilang tao. Halos lahat ng mga nagdudulot ng kasiyahan sa panahon ng teknolohiya at pighati ay mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan. Gaya ng bote ng coke sa pelikulang Gods Must Be Crazy. 

Sa isang tao na nauuhaw, natural lang ang maghanap siya ng maiimom. Sa isang taong pagod, natural lang na naisin niyang magpahinga. At sa isang taong puno ng kalungkutan ay natural lang na maghanap siya ng kasiyahan. Malinaw na napakalungkot nang henerasyon natin. Sukdulang gawin na nating katatawanan ang kapwa natin. Ang mga disabilidad ng iba. Ang mga kahinaan at pagkakamali na dapat ay ginagawang daan tungo sa pag-unlad. Mga kaputanginahan at kabulbulan ng media. Ano bang mababago kung hinalikan ni Daniel Padilla si Kathryn? Anong ganansya ang malilikha ng pagpuputak at opinyon ni Kris? Wala. Malinaw na wala.

Sa panahon ng Fliptop battles at pagbabalat ng patatas ni Sarah ay kaya mo nang bumili ng happiness kit. Ngayon ang instant generation. Henerasyon ng instant noodles, kape, information, happiness, kamatayan, etc etc…

Sa panahong wala ka nang dahilan para maging bobo dahil nagkalat ang impormasyon ay mas lalo pang naging talamak at nagkalat ang mga taong mas pinipiling magpakabobo para lumapat sa estadong ‘cool’.

Ang kaligayahan ay laging banta sa buhay ng bawat tao. Sikilin ang sariling nasa upang matamasa ang tunay na kahulugan ng kaligayahan. Sa tunggalian ng naghaharing uri at uring mapagpalaya ay ang gahibla ng buhok na eskinita ng liwanag. Liwanag na humahati sa kaignorantehan at mulat na kamalayan. Digma lamang ang susi sa pagkamit ng ganap na kaligayahan.

May isang joke nga akong nabasa kagabi. Sabi:

Nanay: Aba!!! Bagsak ka na naman! Lagi ka na lang naguuwi ng palakol!

Anak: Inay! Tama na po. Ang mahalaga buo ang pamilya natin. (sabay tulo ng luha sa kaliwang mata)

 

Bakit ito nakakatawa? Marahil ay dahil sa ‘inappropriate response’ ito sa tanong ng nanay. Ganito na ang takbo ng panahon ngayon. Nakakatawa na tayo dahil tawa na lang ang tugon natin sa mga seryosong usapin ng inang bayan. Korni man para sa ilan. Korni pa rin. Magpapaka korni na lang ako kesa maging kupal.

Tawa ang tugon. Kasiyahan ang tugon sa pighati? Mga pagnanasa ng laman. Tawa pa. Selfie pa mga putangina niyo!

 

 

***end

Image Credit: Gods Must Be Crazy movie

Leave a comment